Sa mabilis na takbo ng mundo ngayon, inaasahang makasabay ang mga kabataang journalista sa pinakabagong mga kasangkapan. Mula sa mga writing assistant gaya ng ChatGPT hanggang sa mga online publishing platform tulad ng WordPress, mahalaga ang mga ito sa pagpapabilis ng pagbabahagi ng impormasyon. Tinutulungan tayo ng mga teknolohiyang ito sa layouting, editing, at maging sa mismong pagsusulat ng artikulo. Ngunit sa kabila ng kahalagahan ng mga ito, hindi natin dapat kalimutan na ang tunay na kasanayan at pagkamalikhain ay hindi kailanman maaaring palitan ng teknolohiya. Ang teknolohiya ay nararapat na sumuporta sa pamamahayag, hindi ang pumalit sa mamamahayag. Kung wala ang pundasyon ng katotohanan, etika, at layuning magsulat para sa kapwa, mawawalan ng saysay ang kahit pinakamagaling na digital tool.
Hindi sapat na marunong lamang gumamit ng design app o makabuo ng headline gamit ang artificial intelligence. Ang puso ng campus journalism ay nananatili sa kakayahan ng manunulat na mag-isip nang kritikal, magsulat nang malinaw, at makipag-ugnayan nang makabuluhan. Gaya ng sinabi ni Layout Artist Kent Cebedo, “A mix of creativity with tools and clarity in truth and writing is what matters the most in campus journalism.”Paalala ito na kahit na mas pinadali ng teknolohiya ang ating trabaho, hindi nito kayang likhain ang kahulugan sa isang artikulo. Ang pagsasama ng pagkamalikhain, kasanayan sa pagsusulat, at pananagutan sa pagbabalita ang tunay na nagbibigay-halaga sa ating mga kuwento. Ang mga tool ay nararapat na palakasin ang ating boses, hindi ang magsalita para sa atin.
Bukod pa rito, ang lalim ng damdamin at personal na karanasan sa pagsusulat ay hindi kayang gayahin ng makina. Ang tunay na pagsusulat ay nagmumula sa damdamin, karanasan, at pananaw ng tao. Gaya ng sinabi ng isang manunulat, “The beauty behind writing is that it requires writing from the heart. Writing doesn’t also just come from an intellectual aspect. Mao na ang AI will never truly take over creative writing unlike humans who can give their own comments or point of views.” Ipinapakita nito kung bakit makapangyarihan ang campus journalism, dahil ito ay may kakayahang magpahayag, makiramdam, at sumalamin sa tunay na isyu ng mga estudyante at ng lipunan. Walang algorithm ang makakapalit sa tunay na tinig ng tao.
Ang teknolohiya ay dapat magbigay-lakas, hindi mangibabaw sa mga batang mamamahayag. Mahalaga na matutunan natin ang paggamit ng mga makabagong kasangkapan, ngunit mas mahalagang manatili tayong nakaugat sa kung ano ang tunay na mahalaga: ang katotohanan, kalinawan, at pagkamalikhain. Habang tayo ay patuloy na humaharap sa makabagong panahon, huwag nating kalimutan na hindi ang kasangkapan ang nagsasalaysay ng kuwento, kundi ang mamamahayag sa likod nito.